➨ Ang Panitikan ng Pilipinas ay pangunahing tumutukoy sa umiiral, umuunlad, at namamayaning uri at anyo ng katutubong panitikan. Subalit nakakasama rin dito ang mga panitikang nilikha at ginawa ng mga Pilipinong nasa labas ng sariling bansa, sapagkat inakdaan ang mga ito ng mga Pilipino, o ng may-lahing Pilipino sa malawak na nasasakupan ng paksa. Dahil dito, tinatawag ding Panitikang Pilipino ang Panitikan ng Pilipinas. Sa kasalukuyan, tinatawag din itong Panitikang Filipino, sapagkat kinabibilangan ng mga likhang pampanitikang nagmula sa at kinabibilangan ng iba’t ibang wika sa Pilipinas.
Mayaman ang Pilipinas sa sari-saring anyo at hubog ng panitikan na naglalarawan sa kalinangan ng mga Pilipino. Kabilang sa mga ito ang kuwentong-bayan, maikling kuwento o maikling katha, sanaysay, tula, dula, nobela, drama, balagtasan, parabula, bugtong, salawikain,kasabihan, pabula, alamat, tanaga, bulong, awiting-bayan, epiko, pelikula, at mga iskrip na pangradyo, pantelebisyon at pampelikula. May kaakibat na kahalagan ang panitikan para sa mga Pilipino. Isa itong uri ng mahalagang panlunas na tumutulong sa mga tao upang makapagplano ng sari-sariling mga buhay, upang matugunan ang kanilang mga suliranin, at upang maunawaan ang diwa ng kalikasan ng pagiging makatao. Maaaring mawala o maubos ang mga kayamanan ng isang tao, at maging ang kanyang pagiging makabayan, subalit hindi ang panitikan. Isang halimbawa nito ang pangdadayuhan ng ibang mga Pilipino. Bagaman nilisan nila ang kanilang bayang sinilangan, ang panitikan ang kanilang tulay sa naiwan nilang bansa.
Sa panlipunan, pambansa, at pandaigdigang kaukulan, isa ang panitikan sa pinagbabatayan ng pagkakaroon ng tagumpay at kabiguan ng isang bansa at ng ugnayan ng mga bansa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento